Friday, December 19, 2008

Masinsinan

Hello sa iyo. Matagal na rin pala simula noong huli kitang kinausap. Kasabay ng pagbabalik-tanaw sa mga oras na iyon, sinulyapan ko ang katamaran ko noong high school.

Naalala ko noong unang beses na nagkaroon kami ng internet subscription sa bahay. Nasa ikalawang taon ako noon. Ang cyber world ay nagmistulang karugtong ng kasiyahan sa eskwela. Tuwing gabi, deretso kaagad ako sa upuan ng computer upang buksan ang mga nakasanayan nang puntahan sa internet: ang Friendster, ang Yahoo! Messenger (YM) at kung ano pang maging sentro ng talakayan sa mga group messages (GM). Nakagawian ko rin noon ang mag-update ng isang blog.

Lagi ko ngang nagiging introduksyon ang "It's been so long since I last updated this blog." Iyon nga rin ang napansin ko sa iba. Hindi ko alam kung bakit pero parang nakararanas ng pangangailangan ang bawat blogger na magblog ng kanilang buhay. Sa gawaing ito, natuto akong (at ang mga kablogger ko) ipahayag ang aking sarili sa mundo, bagamat sa elektronikong paraan lamang.

Iyon nga, sa kabila ng pagpapahayag kong ito, madalang lamang akong magbahagi ng mga sikreto sa aking malalapit na kaibigan.

Miski ako ay naweirduhan, noong simulang purihin ng aking guro sa ikatlong taon sa Ingles ang aking mga komposisyon. Minsan nga, natataasan ko pa ang isa kong kaklaseng bihasa sa Ingles. Gayunpaman, alam ko pa rin naman ang layo ng agwat ng aming kakayahan; alam ko naman na mas magaling pa rin siya kaysa sa akin.

Dahil sa mga gawain kong ito tuwing gabi, hindi na ako nagkaroon ng konsepto ng pag-aaral. Hanggang ngayon, pinag-iisipan ko pa rin kung paano ako nakapagtapos noong high school. Lagi kong katwiran sa aking mga kaklase, "kapag tinanggal ang Math sa grading system, mas mataas na kayo sa akin."

Kung hindi siguro ako nahasa sa Math noong nasa elementarya, wala na siguro akong patutunguhan ngayon. Sa nakalipas na apat na taon, ang subject na iyon lamang ang nagpataas ng aking mga grado. Naalala ko pa nga noon, sa tuwing sasapit ang Periodic Tests week, Math lamang ang hindi ko pinaghahandaan. Tuwing Periodic Test week lamang siguro ako nagkakaroon ng kaunting konsepto ng pag-aaral. Pero alam kong hindi iyon maikukumpara sa pag-aaral ng iba ko pang mga kaklase.

Dahil sa kabuuan ng katauhan kong ito, natuto akong makisalamuha sa mga tao. Ika nga ng mga tao, ang saya-saya ko raw. Lagi nilang "dare" sa akin ang pagsimangot. Napansin ko rin na ako ang isa sa mga nagmamanufacture ng ingay sa klase. Haha.

Ang pamumuhay ko ngayong kolehiyo ay namulaklak sa paninirahan sa isang dormitoryo. Dito, nakilala ko ang mga taong subsob sa pag-aaral kapag may mga paparating na mga pagsusulit. Kasabay nito, ang pagkakaroon ng mga kausap sa gitna ng gabi ang naging alternatibo ko na rin sa YM community. Dahil sa paninirahan sa dormitoryo, nalayo na ako sa mundo ng cyber world.

Sa paglipas ng panahon, napansin ko rin ang unti-unti kong pagiging malungkutin. Bagamat paulit-ulit kong tinanong sa sarili kung bakit, hindi ko nakakuha ng sagot. Hanggang ngayon.

Kaya naman sa paggawa ko ng isang na namang blog entry, sana naman ay makahanap ng ako ng daan upang makausad. Sana naman, ang pagblog na aking mga nararamdaman, tulad noong high school, ay maging susi upang mareolba ko na ang problemang kinahaharap ko ngayon. Naniniwala kasi ako na isa ang blog sa mga paraan ng intracommunication. Higit sa madalas na interaksyon mo sa mga tao sa iyong paligid, dapat na magkaroon din ng masinsinang pakikipag-ugnayan sa iyong sarili.

No comments: